Archive for March, 2007

Mar 30 2007

Profile Image of lensantiago
lensantiago

Hopya at Kape

Filed under Uncategorized

Malapit lng ang bahay namin sa bahay ng aking mga magulang, madalas kahit malapit lng di ko pa sila nakikita, di ko sila nadadalaw. At madalas sila ang pumupunta sa amin upang silipin kami ng mga bata. Dadaan at hihiramin ang mga bata, maya-maya ibabalik din. May mga dalawampung hakbang lang yata mula sa amin hanggang sa bahay ng aking mga magulang.

Minsan naisipan kong pumunta upang makipaghuntahan sa aking orihinal na tagapagligtas bago ang aking asawa… ang aking AMA. Naabutan ko syang nasa parehas na lugar pa din ang paborito nyang upuan malapit sa kanyang opisi-opisinahang lamesa. Nagbabasa at nagmimiryenda ng paborito nyang Hopya at kape. Minsan ko na syang tinanong sa di ko maisip na kombinasyon na iyon. Tanging sagot nya “masarap sa panlasa ko e, di ko sya maialis sa araw-araw, para sa akin kung walng kape walang hopya”. Pinagmasadan ko sya sa layong mga tatlong dipa… nasabi ko ang tanda na pala ng tatay ko. Ang mga pisnging lagi kong hinahalikan nung bata ako e puno na ng kulubot at naging mas maitim pa sya lalo sa pagdaan ng panahon. Ang kanyang mga palad ay pinakapal na ng panahon. Ang kanyang mga balikat na dating matikas ay bahagyang bagsak na. Ang buhok n dating malago at kulay itim ay numipis na at may kulay puti na din. Pati ang paborito nyang tasa ay kumupas na din… hudyat ng maraming taon na pala ang nagdaan. Naisip ko tuloy napasaya ko ba sya bilang anak? Naibigay ko ba ang mga pangarap nya para sa akin? Kaya ko na ba pag nawala na sya? Ang sagot… siguro napasaya ko naman sya, siguro naabot ko ang mga inaasahan nya para sa akin, at kung mawawala sya… hindi ko pa kaya…. sa ngayon. Naisip ko tuloy ang tinuran nya tungkol sa Kape at Hopya… masarap sa panlasa, kung walang kape wala ding hopya. Dahil kung hindi dahil sa tatay ko wala din ako…sa mga susunod na araw pipilitin kong maging espesyal pag dindalaw ko sila. Sila ng aking INA… sila ang KAPE at HOPYA sa buhay ko.

4 responses so far